BAGUIO CITY – Naglaan na ang pamahalaan ng Indonesia ng tatlong ektaryang lupain na pagdadalhan sa mga mamamayan doon na namamatay dahil sa COVID-19.
Sa ulat ni Bombo International Correspondent Liberty Sionosa, isang guro sa Jakarta, Indonesia, sinabi niya na aabot sa 6,000 na mga bangkay ang pwedeng ilibing sa nasabing lupain bagaman pinangangambahan ang naitatalang higit 1,000 na namamatay doon araw-araw dahil sa COVID-19.
Naobserbahan aniya ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Indonesia dahil sa mataas na bilang ng mga travelers at mga workers na pumapasok sa nasabing bansa, partikular na sa Java, Jakarta at Bali kung saan naitatala ang matataas na kaso ng COVID-19.
Pinaniniwalaan din aniya na isa ang mga Indian citizens na nakatira sa Indonesia na bumabalik o bumibiyahe papasok sa Indonesia ang nagdala ng Delta variant na nakapasok na ngayon doon.
Maaalalang kinilala na ang Indonesia bilang bagong epicenter ng COVID-19 pandemic habang ang Delta variant ng COVID-19 na unang nadiskobre sa India na nakapasok na ngayon sa Indonesia ang pinaniniwalaang dahilan ng biglaang pagtaas ng kaso ng COVID-19 doon.
Dinagdag pa ni Sionosa na sa ngayon ay nananatiling bawal ang mass gatherings sa Indonesia, limitado ang paggalaw ng mga mamamayan, may lockdowns sa mga lungsod at lalawigan at 30% capacity ang operasyon ng mga opisina, paaralan at delivery services.