-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Inihahanda na ng mga otoridad ang kasong isasampa laban sa tatlong matataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na nahuli sa Calatrava, Negros Occidental.

Ayon sa 79th Infantry Battalion ng Philippine Army, nagresponde sila ng 6th Special Action Battalion ng PNP-Special Action Force at Calatrava Municipal Police Station sa Sitio Victory, Brgy. Minapasok, Calatrava kasunod ng reklamo ng mga residente na may presensya ng NPA sa kanilang barangay.

Ang operasyon ay nagresulta sa pagkahuli nina Cristell Abordo, regional communication at Intelligence staff ng Komiteng Rehiyon at dating medical staff ng Regional Strike Force Mary Dem Forones na siyang regional intelligence secretary at Executive Committee Member of KR-NCBS; at ang kinilalang si Rossine Enyong.

Ayon sa militar, nagsumbong ang mga residente na nakikitira sa kanilang bahay at nang-iextort ng pera ang mga nahuli.

Nakuha sa kanilang pag-iingat ang isang M14 rifle, tatlong .38 revolver, apat na rifle grenades, walong cellular phones, medical supplies at subersibong dokumento.

Kasunod ng matagumpay na operasyon, nagpasalamat si 79thIB commanding officer Lt. Col. Gerard Alvaran sa mga residente sa kanilang kooperasyon upang makamit ang kapayapaan.

Sa ngayon, nasa kustodiya ng Calatrava Municipal Police Station ang sinasabing NPA members at nakatakdang sampahan ng kaso.