LEGAZPI CITY- Arestado ang tatlong Grade 11 students ng Bogñabong National High School sa Tabaco City matapos itong maaktuhan na gumagamit ng pinaniniwalaang marijuana.
Ayon kay Tabaco City Mayor Krisel Lagman-Luistro sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagro-roving ang guwardiya ng naturang paaralan ng makita ang tatlong mga mag-aaral na humihithit ng marijuana kaya agad na ipinagbigay alam sa principal na mabilis namang tumawag ng kapulisan.
Nakilala ang mga ito na sina John Lawrence Colorina, Dindo Bombales at Justin Ordiz na pawang 18-anyos.
Ayon sa alkalde, nakipag-ugnayan na siya sa School Governance Operations Division (SGOD) upang mas matutukan ang paglaban sa iligal na droga sa loob ng mga paaralan.
Aminado kasi si Luistro na mas nakatutok ang lokal na pamahalaan sa community-based programs at hindi inasahan na makakapasok na sa mga paaraman ang problema sa illegal substance.
Sa kasalukuyan ay nakipag-usap na rin ang alkalde sa school head ng naturang paaralan upang magpatupad ng early intervention dahil posibleng hindi lamang umano ang tatlong nahuli ang sangkot sa iligal na aktibidad kundi posibleng ang iba pang mag-aaral.
Samantala, nanawagan naman si Luistro sa publiko na kahit pa nagkamali ang naturang mga mag-aaral ay bigyan ng pagkakataon ang mga ito na ma-rehabilitate at huwag tuldukan ang kinabukasan at buhay ng mga ito.