Aminado ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na ibang level na urban warfare operations ang nararanasan ng mga sundalong nakikipagbakbakan sa mga teroristang Maute.
Ayon kay AFP Public Affairs Office (PAO) chief Col. Edgard Arevalo, malaki ang pagkakaiba sa nangyayaring actual operation ngayon sa Marawi kumpara sa kanilang mga natutunang doktrina kaugnay sa close quarter battle operation.
Sinabi ni Arevalo na ang nagaganap ngayon sa Marawi ay ibang klaseng level ng urban warfare kung saan “very dense” umano mga structures at “highly reinforced” ang pagkakagawa ng mga ito.
Dahil dito, pagkatapos daw ng operasyon ay magsasagawa sila ng evaluation kung ano ang kanilang naging kakulangan lalo na sa kanilang ipinapatupad na mga taktika at maging ng kanilang mga kalaban.
Aniya, pag-aaralan ito ng AFP upang magkaroon ng pagbabago sa kanilang mga theories, doctrines, tactics, techniques at procedures sa kanilang military operation.
Sa ngayon nasa 84th day na ang rebelyon sa Marawi kung saan nagpapatuloy pa rin ang labanan.
Bukod sa ibang level na urban warfare operations, isa pang kinakaharap na malaking hamon ng AFP ay ang paggamit ng teroristang Daesh inspired Maute ng mga bihag na ginagawa nilang human shield, pagsunog sa mga bahay at istruktura at mga improvised explosive device.
Handa rin umanong mamatay anumang oras sa pakikipaglaban ang mga kalaban.
Kinumpirma naman ni Arevalo, nasa battlefield pa rin ang tatlong high value targets na mga terorista kabilang na rito si ASG leader Isnilon Hapilon na hindi pa nakakalabas ng Marawi.
Para sa AFP good news na nasa Marawi pa rin si Hapilon kung saan mataas ang tiyansa ng militar na ma-neutralize ang notorious ASG leader.