BAGUIO CITY – Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isang lalaki dahil sa pagdadala ng iligal na droga at baril sa isinagawang drug buy-bust operation laban sa kanya noong Sabado, Agosto 10 sa Bulanao, Tabuk City, Kalinga.
Nakilala ito na si Rogelio Paut, 42, may-asawa at residente ng Bugnay, Tinglayan, Kalinga.
Ayon sa mga pulis, nahuli rin sa operasyon ang dalawang menor de edad na kasama ng suspek na nagdala at nagbenta ng mga marijuana oil sa isang operatiba.
Nakumpiska kay Paut ang 25 piraso ng 60mL bottle ng liquid substance na pinaniniwalaang marijuana oil na nagkakahalaga ng aabot sa P3 million.
Nakumpiska pa rito ang isang caliber .45 na naglalaman ng isang magazine na may pitong bala, cellphone at motorsiklo na nagamit sa transaksion habang narekober ang nagamit na buy bust money.
Nakakulong na ngayon si Paut habang ipinasakamay sa DSWD ang dalawang menor de edad.
Kasabay nito, pinapaalalahanan muli ng mga pulis ang mga indibidwal na konektado sa iligal na droga para ihinto na ng mga ito ang kanilang iligal na gawain bago pa mahuli ang lahat.
Una rito, binalaan ng bagong provincial director ng Kalinga PNP ang mga residente doon sa hindi nila pagtangkilik sa iligal na droga dahil huhuliin sila ng mga pulis.