Tiniyak ng otoridad na may nararapat at mabilis na koordinasyon ang government agencies upang maaresto ang fugitive gangsters o ang foreign terrorists sa bansa.
Ito ay kasunod ng matagumpay na joint operation sa Iloilo kung saan nadakip ang tatlong Indian nationals na umanoy myembro ng Khalistan Tiger Force, isang extremist group na pinagbabawalan sa India.
Ang mga arestado ay sina Manpreet Singh, 23; Amritpal Singh, 24; at Arshdeep Singh, 26 na nasa International Criminal Police Organization o Interpol Red Notice watchlist dahil sa kasong murder, at violation sa Explosive Substance Act of 2001 at Unlawful Activities Prevention Act of 1967 of India.
May impormasyon rin na involved rin ang suspects sa Jammu and Kashmir Ghaznavi Force na isa pang terror group na banned rin sa Indian government sa ilalim ng anti-terror law.
Nakapasok umano sa Pilipinas ang suspects gamit ang pekeng passports ngunit na-track ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Iloilo City Police Office director Pol. Col. Joeresty Coronica, sinabi nitong naaresto ang suspects sa joint operations ng Bureau of Immigration, Cybercrime Investigation and Coordinating Center, at Military Intelligence Group.