-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Dinakip ang tatlong individual na kabilang sa high value target sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga otoridad sa Bayombong, Nueva Vizcaya.

Ang mga pinaghihinalaan ay kinabibilangan ng dalawang lalaki at isang babae.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCapt. Darryl Marquez, deputy chief of police ng Bayombong Police Station na kabilang ang mga pinaghihinalaan sa street level individual pero dahil sa laki ng halaga ng nakuha sa kanila na iligal na droga ay maituturing na silang high value target.

Ang nakuha sa kanila ay shabu at marijuana na umaabot ang halaga sa P100,000.

Aniya, hindi ito ang unang pagkakataon na sila ay masangkot sa iligal na droga at mahuli ng mga otoridad.

Sa ngayon ay inaalam pa nila kung saan nanggagaling ang kanilang supply pero naniniwala sila na posibleng mayroon din silang ibang kasama.

Sa ngayon ay naisampa na ang kaso ng tatlo sa piskalya na paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Tiniyak ni PCapt. Marquez na hindi nila titigilan ang mga drug personality sa kanilang nasasakupan lalo na ngayon at limang barangay na lamang ang hindi pa naidedeklarang drug cleared.