-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Inaasahang isasagawa na ang pagbabakuna sa mga tourism workers sa isla ng Boracay matapos dumating ang nasa 3,000 doses ng COVID- 19 vaccine na gawa ng Sinovac.

Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista, ang naturang mga bakuna ay mula sa Department of Tourism (DOT) na personal niyang tinanggap at inilipat sa kanilang cold storage facility.

Nauna rito, nanawagan ang alkalde ng dagdag na supply ng bakuna upang makamit ang herd immunity sa bayan ng Malay at madeklarang ligtas na destinasyon ang Boracay.

Target ng DOT na maturukan ng double doses ng bakuna ang nasa 40,000 na tourism workers sa isla.

Ito ay bilang bahagi ng paghahanda ng pamahalaan sa pagbubukas ng Boracay sa buong mundo.

Simula Hulyo 1 hanggang 4, umaabot na sa 1,050 ang tourist arrivals na karamihan ay nagmula sa National Capital Region (NCR).

Noong buwan ng Hunyo, nasa 26,354 ang naitalang bakasyunista.