-- Advertisements --
police 1 2

Tinututukan ngayon ng Philippine National Police ang nasa 3,000 kapulisan na pinaniniwalaang sangkot sa iba’t-ibang katiwalaan.

Ito ay matapos na mapag-alaman ni PNP Chief PGen Benjamin Acorda Jr. na maraming mga tiwaling tauhan ng PNP ang dawit sa ilegal na gawain batay sa kaniyang isinagawang intelligence gathering sa buong hanay ng kapulisan.

Dahil dito ay inatasan na ng heneral ang lahat ng mga intelligence operative ng PNP na agad na sugpuin ang mga police scalawag sa hanay ng pulisya bilang bahagi na rin ng paglilinis sa loob ng kapulisan.

Kaugnay nito ay binilinan na rin ni Acorda ang lahat ng mga commander sa lahat ng antas na siguraduhin na maayos na gumagana ang kani-kanilang mga counter intelligence na makakatulong sa mga otoridad na agad na matukoy ang mga tiwaling pulis.

Kasabay nito ay tiniyak ni acorda na masasampahan ito ng kaso ang lahat ng mga pulis na may kaugnayan sa katiwalian at kabilang na rin aniya rito ang mga tauhan ng Pambansang Pulisya na nasasangkot sa operasyon ng ilegal na droga, pangongotong, at iba pang ilegal na aktibidad.

Samantala, sa bukod naman na pahayag ay sinabi naman ni PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo na sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief Acorda ay pagtutuunan nito ang mas mahigpit na background investigation sa lahat ng mga tauhan ng PNP partikular na sa mga indibidwal na itatalaga nito sa mga drug enforcement unit.

Ito ay upang matiyak na hindi na mauulit pa ang mga insidenteng nangyari noon kung saan nakabalik muli sa mga drug enforcement units ang ilang mga pulis na mayroon nang deregatory records tulad na lamang ng kaso ni dating PMSg Rodolfo Mayo Jr.

Kabilang sa mga paghihigpit na tinutukoy ni Fajardo ay ang pag-aatas sa mga field commanders na magsagawa ng background checking sa kanilang mga tauhan at gayundin ang proper documentation ng kani-kanilang mga report.

Aniya, sakaling pumalpak ang mga ito at may makalusot pang mga police scalawags ay mabigat ang magiging liability ng mga mga field commanders na posibleng humantong pa sa pagsasampa sa kanila ng serious neglect of duty na maaaring magresulta sa kanilang pagkakasibak sa serbisyo.

Sa kabila nito ay hinimok naman ni Acorda ang taumbayan na agad na ipagbigay alam sa mga otoridad ang mga katiwaliang ginagawa ng mga pulis para sa agarang aksyon at bilang tulong na rin sa layunin ng Pambansang Pulisya na linisin ang kanilang buong organisasyon.