Umabot sa 3,000 pulis ang itinalaga sa paligid ng Quiapo Church ngayong Good Friday, Abril 18, upang tiyakin ang seguridad ng mga debotong lumahok sa prusisyon ng Poong Hesus Nazareno sa Maynila.
Ayon kay MPD spokesperson Police Major Philipp Ines, maaaring umabot sa 12,000 ang kabuuang bilang ng mga tauhan kung isasama ang volunteers mula sa iba’t ibang ahensya at Hijos del Nazareno.
Mas kaunti ang pulis ngayong Good Friday kumpara sa Traslacion, dahil mas maikli ang ruta ng prusisyon na paikot lamang sa simbahan.
Walang naiulat na malalaking insidente, maliban sa ilang minor medical cases gaya ng sakit ng ulo, high blood, at mga sugat sa paa.
Kasunod nito ng pagsasara sa Quezon Boulevard para bigyang-daan ang prusisyon. Sa kabila ng matinding init, maraming deboto ang naglakad nang nakayapak bilang panata. Ang ilan ay gumamit ng karton at plastik para protektahan ang kanilang mga paa.