LA UNION – Arestado ang tatlong katao kabilang ang isang menor de edad dahil sa umano’y modus ng mga ito na panloloko at paghingi ng pera sa mga biktima.
Nakilala ang mga suspek sa pangalang Juaquin Santos, 52, may asawa; isang 11-anyos at out-of-school youth na bata; at Mario Baun, 54, pawang taga Tarlac City, Tarlac.
Base sa impormasyon ng Bombo Radyo La Union mula sa Bauang Police Station, nakorner ang mga suspek sakay ng kanilang traysikel sa Brgy. Damortis, Sto. Tomas, La Union.
Una rito, agad itinimbre ng Bauang Police Station sa iba’t ibang himpilan ng pulisiya sa lalawigan ang pagpigil sa mga suspek matapos silang ireklamo ng pangatlong biktima.
Ang pinakahuling biktima ng mga ito ay isang 60-anyos na piggery owner na si Leonila Supsup ng Brgy. Payocpoc Sur, Bauang, La Union na umano’y hiningan nila ng P1,860 matapos itong mabigo na maglabas ng sanitary permit na hiningi ng mga suspek.
Minsan na rin ginamit ni Santos ang pangalan ng Bombo Radyo La Union para makapang-hingi ng pera sa mga tao at ilang beses na rin nakulong dahil sa mga kaso nito.
Sa kasalukuyan, kasong estafa through extortion ang kinakaharap ngayon ng mga suspek.