LAOAG CITY – Dead on the spot ang tatlong lalaki matapos silang masagasaan ng dump truck sa Bgry. 23, Sta. Cecilia sa bayan ng San Nicolas, Ilocos Norte.
Ayon kay Police Major Eduardo Santos, ang Hepe ng Philippine National Police sa nasabing bayan, nakilala ang mga biktima na mga residente ng Dingras, San Nicolas at Laoag City habang nasa tamang edad naman ang driver ng dump truck.
Aniya, ang driver ng dump truck ay nagtamo rin ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan habang ang mga sakay ng kurong-kurong o tricycle makeshift ay nagtamo ng matinding sugat na nagresulta ng agarang pagkamatay ng mga ito.
Sabi niya, ang dalawang sasakyan ay parehong galing sa bayan ng Sarrat kung saan nag-flasher lights pa ang kurong-kurong pakanan para kumain sa carinderia malapit sa pinangyarihan.
Paliwanag niya na nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng dump truck na may kargang buhangin hanggang sa mapunta ito sa ibang lane ng kalsada dahilan para gumulong ito at tumama sa mga biktima.
Dahil dito, nagdulot ng masikip na trapiko ang aksidente sa mga dumadaang motorista.
Samantala, inaasahang sasampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Multiple Homicide and Damage to Property ang driver ng dump truck.