BOMBO DAGUPAN -Nabigyan ng show cause order ang tatlong kandidato sa bayan ng Asingan dito sa lalawigan ng Pangasinan dahil sa Premature Campaigning para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Election (BSKE) 2023.
Ayon kay Leny Manangan-Masaoy, Election Officer III ng Commission on Elections sa naturang bayan, ang mga naturang kandidato ay kinakailangang sumagot sa mga katanungan sa show cause order sa loob ng tatlong araw.
Ngunit giit nito, depende pa rin kung matutukoy na sila ay may kasong disqualification at election offense.
Kaugnay nito, posibleng maparusahan ng pagkakakulong mula 1 hanggang 6 na taon ang sinumang mapatunayang lumabag sa omnibus election code at mahaharap sa pagbabawal na tumakbo sa anumang posisyon sa gobyerno.
Pakausap naman ng opisina sa mga residente na maging mapanuri at magsumite lamang ng reklamo laban sa mga kandidato na lumalabag gaya ng campaign materials tulad ng T-shirt, baller, pamaypay, cap, o iba pang gamit na may pangalan, larawan, o logo ng isang kandidato o partido.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 917 ang kabuuang bilang ng mga kandidatong nagfile ng Certificate of Candidacy (COC) sa naturang bayan, at ito na ang pinakamaraming naitala sa kanilang ahensiya.