BAGUIO CITY – Aabot na sa siyam ang bilang ng mga natagpuang bangkay sa nagpapatuloy na search and retrieval operation sa Banaue Mudslide sa Sumigar, Viewpoint, Banaue, Ifugao.
Ayon kay Mayor John Raymund Wesley Dulawan, narekober ang karagdagang tatlong bangkay sa ikatlong araw ng operasyon.
Aniya, nakita ang isang bangkay sa Lower Luboong at dinala na ito sa sa bayan habang ang dalawa ay mula sa Butel at Sumigar.
Sinabi pa ng alkalde na natagpuan din ang isang paa sa Caba, Lagawe at dinala na rin ito sa kanilang munisipyo.
Inihayag ni Dulawan na pahirapan pa rin ang retrieval operasyon dahil sa komplikadong lokasyon at pag-ulan.
Gayunpaman, tiniyak ng alkalde na madadala sa munisipyo ang tatlong bangkay para kilalanin ito ng kani-kanilang mga kamag-anak.
Sa ngayon ay isang katao na lamang ang pinaghahanap.
Kung maaalala, isa ang survivor sa mudslide at ito’y unti-unti nang gumagaling.