Sa kulungan ang bagsak ng tatlong miyembro ng Angolan “Budol-Budol” Gang sa inilunsad na entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-NCR.
Naaresto ang tatlong banyagang swindler noong May 25 sa may bisinidad ng Mall of Asia sa Pasay City.
Kinilala ni CIDG chief PDir. Roel Obusan ang tatlong indibidwal na sina Aaron James, 44, taga-Puerto Rico; Brown Akwe Fonboh, 43, tubong Estados Unidos; at Gum Blanche Murphy, 28, mula Angola at kasalukuyang nakatira sa isang hotel sa Ortigas Avenue, lungsod ng Pasig.
Nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng isang Chinese na nabiktima umano ng tatlo kung saan umabot sa P250,000 ang nakuha sa biktima.
Paliwanag ni Obusan, modus daw ng mga ito na paniwalain ang kanilang mga biktima na nakakagawa sila ng mga US dollar bills sa pamamagitan ng paggamit ng mga paraphernalia at chemical.
Pero hindi pa umano tumigil ang mga suspek noong May 23 kung saan muli nilang inenganyo ang biktima at humingi rito ng P5-million sa pangakong gagawa sila ng US$100,000, na naging dahilan para lumapit na sa CIDG ang Tsino.
Napag-alaman na sa actual operations ng pulisya, nanlaban pa raw ang mga suspek sa pamamagitan ng pagsuntok sa mga otoridad na ikinasugat ng ilang miyembro ng operatiba.
Nagawa pa umanong makatakas ng mga suspek pero nahuli din ang mga ito.
Nakumpiska sa mga suspek ang P5-milyong halaga ng ultraviolet powder dusted entrapment money; apat na plastic bottles na may white liquid chemicals at surgical gauze; isang plastic bottle body and face powder; 52 piraso ng US$100 suspected fake bills at maraming piraso na mga pinunit na US$100 suspected fake bills.
Nakatakda pang makipag-ugnayan ang CIDG sa US, Angola at Puerto Rico Embassies dito sa bansa para matukoy ang totoong pagkakakilanlan ng mga suspek.