-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng kapulisan sa nangyaring pagbaril-patay sa tatlong kasapi ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) sa Barangay Poblacion, Buluan, Maguindanao.

BPAT patay Buluan Maguindanao

Kinilala ni Police Lt. Col. Cemefranco Cemacio, hepe ng Buluan-Philippine National Police, ang mga nasawi na nagngangalang Misuary Dimapalao, Sajid Kamama at Tata Bulilo.

Isa naman ang naitalang sugatan na isang Jadid Ulangkaya.

Ayon kay Cemacio, lulan ng Barangay Patrol ang mga biktima at naka-park sa harap lang ng paaralan habang nasa tapat ng isang voting center sa nabanggit na bayan nang barilin ng hindi pa matukoy na mga suspek gamit ang M-16 armalite rifle.

Ngunit sa pahayag naman ni dating Buluan Mayor Jhong Mangudadatu, bago pa man ang pananambang sa BPAT ay pinaulanan din ng bala ang bahay nito na malapit lamang sa paaralan.

Sa ngayon, nagpadala na ang Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region ng dagdag na puwersa sa Lugar para mapanatili ang kapayaapan at kaayusan dahil sa insidente.

Inaalam na rin ng Philippine National Police kung ang motibo ng pamamaril ngunit malaki ang paniniwala ng pamilya Mangudadatu na politika ang ugat ng krimen.

Kung maaalala, ang bayan ng Buluan sa Maguindanao ay isa sa anim na munisipyo sa Maguindanao na isinailalim sa kontrol ng Commission on Elections.