CAUAYAN CITY – Inaasikaso na ang mga kapakinabangang matatanggap ng tatlong rebeldeng sumuko sa pamunuan ng 95th Infantry Battalion headquarters sa San Mariano, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Captain Rigor Pamittan, DPAO chief ng 5th Infantry Division Phil. Army na kusang sumuko ang tatlong natitirang kasapi ng Komiteng Probinsya ng Isabela, Komiteng Rehiyon Cagayan Valley na sina alyas Sartay, vice squad leader, alyas Joey, at alyas Deo, pawang miyembro ng communist group.
Isinuko ng tatlong rebelde ang isang M16 rifle na may isang short magazine na loaded ng 17 bala .
Boluntaryong sumuko ang tatlong miyembro ng group sa 95th Infantry Battalion headquarters sa San Mariano, Isabela dahil alam nilang mahina na ang kanilang puwersa sa lalawigan.
Naramdaman daw nila ang pagtugis sa kanila ng militar at dahil sa nakitang tulong ng pamahalaan sa mga sumusukong rebelde ay nagpasya na rin silang sumuko.
Inihayag ni Captain Pamittan na isinasaayos na nila ang mga ipagkakaloob na kapakinabangan para sa mga sumukong rebelde sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).