-- Advertisements --
IMG a6178b38830be157fc85bc753e3b51ab V

Arestado ang tatlong katao matapos salakayin ng Manila Police District (MPD) Special Mayors Reaction Team ang isang bahay sa Sampaloc, Manila na sinasabing nagsisilbing hideout ng mga grupong nasa likod ng paggawa ng mga pekeng pera.

Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Manila Regional Trial Court (RTC) Judge Thelma Bunyi-Medina, pinasok ng grupo at ng mga tauhan ng MPD Station 4 ang bahay sa kanto ng Loyola at Valencia Street sa Sampaloc.

Kasama ng raiding team si Manila Mayor Isko Moreno at mga kinatawan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sinabi ni Police Major Rosalino Ibay Jr., sinalakay ang target area dahil sa paglabag sa articles 166, 168 at 176 ng Revised Penal Code o manufacturing of counterfeit Philippine Currency.

IMG 96dd17364b9e1bf4502c3223a164a47c V

Tumambad sa mga otoridad ang mga pekeng tig-P1,000 bills na kumpleto sa mga features na hawig na hawigsa tunay na pera.

Bukod sa mga pekeng pera at mga gamit sa pag-iimprenta nito, inabutan din ng raiding team sa loob ng target na bahay ang tatlong lalaki at ang mga bag na naglalaman ng dahon ng pinatuyong marijuana at mga drug paraphernalia.

Dahil dito, mahaharap din ang mga naarestong suspek sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.