LA UNION – Patay ang tatlong katao kabilang ang suspek sa nangyaring pamamaril sa Purok 2, Brgy. Tay-ac, Rosario, La Union nitong Lunes ng hapon.
Ang dalawang biktima ay mag-ama, nakilalang sina Modesto Oropilla, 60, kapatid ng suspek at Mary Grace Oropilla-Parayno, 36, pamangkin ng suspek, isang BHW, at kapwa dead-on-arrival sa Rosario District Hospital.
Sugatan naman ang bayaw ng salarin na si Eduardo Siguin, 58, magkakapitbahay ang mga ito sa nasabing lugar.
Ang suspek na si Filomino Oropilla, 45, ay tinangkang tumakas matapos ang ginawang krimen ngunit namatay din matapos makipagbarilan sa mga pulis na tumutugis sa kanya.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo La Union kay PMaj Garry Anthony Casem, chief-of-police ng Rosario Police Station, alitan sa lupa ang dahilan sa nangyaring krimen.
Ayon kay Casem, base sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, umiinom ang suspek na mag-isa nang umano’y bigla na lamang pinaputukan ang mag-ama na nagluluto ng haponan.
Samantala, si Siguin ay agad inilipat sa Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC) dito sa syudad ng San Fernando, La Union para sa karampatang lunas.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis sa nangyaring krimen.