-- Advertisements --

Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 3 katao na namatay matapos masangkot sa aksidente sa kalsada ngayong holiday season.

Ayon sa ahensiya, 2 sa nasawi ay nagtamo ng matinding injury sa ulo dahil walang suot na helmet habang sakay ng motorsiklo.

Ang mga nasawi ay kabilang sa inisyal na bilang ng mga nasangkot sa aksidente sa kalsada na pumalo na sa 350 cases na naitala mula noong Disyembre 22 hanggang ngayong araw ng Sabado, Disyembre 28. Nasa 66 dito ang bagong kaso.

Sa kabuuang bilang, 63 sa naaksidente ay nakainom ng alak, 306 ang hindi gumamit ng safety accessories at 239 ay dahil sa motorcycle accidents.

Kaugnay ng pagtaas ng bilang ng mga naaaksidente sa kalsada, muling nagpaalala ang DOH sa publiko na ugaliing magsuot ng helmet para sa mga nagmomotorsiklo at mag-seatbelt para sa mga nagmamaneho at mga pasahero ng sasakyan.

Gayundin iwasan ang pagmamaneho kung pagod o nakainom ng alak, sundin ang itinakdang speed limit at mga road sign upang maiwasan ang aksidente at siguraduhing mayroong 7-8 oras na tulog bago bumiyahe at iwasan din ang paggamit ng cellphone habang nagmamaneho.