CENTRAL MINDANAO – Nadagdagan pa ng isa ang bilang ng mga gumaling mula sa COVID-19 sa probinsya ng Cotabato sa loob ng 24 oras batay sa pinakahuling tala ng Provincial Health Office (IPHO) Cotabato at DOH-CHD SOCCSKSARGEN region.
Tatlong panibagong kaso naman ang naitala sa lalawigan na pawang mga lalaki.
Ayon kay PIATF ICP head BM Philbert Malaluan na ang ika-56 na kaso ay isang 31-anyos mula sa bayan ng Antipas; habang 21-anyos naman ang ika-57 kaso na residente ng Kidapawan City at ang ika-58 kaso ay isang 23-anyos at residente pa rin ng Kidapawan City.
Ang mga ito ay pawang locally stranded individuals (LSIs) na parehong may travel history sa Maynila.
Agad silang sumailalim sa swab test nang bumaba ang mga ito sa Davao International Airport noong Agosto 24.
Ayon pa kay BM Malaluan, walang co-morbidities ang mga ito, pawang asymptomatic at nasa kani-kanilang LGU isolation facilities na.
Tiniyak pa ni BM Malaluan na nasa stable condition ang mga pasyente na hindi kailanman nakapiling ang kanilang pamilya at mga kaibigan simula ng dumating sa lalawigan.
Sa ngayon ay umakyat na sa 58 katao ang nagpositibo sa COVID-19 sa probinsya ng Cotabato at 41 recoveries.