-- Advertisements --

Nasawi ang nasa 3 katao sa mga pag-ulang dala ng shear line at Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa ilang parte ng bansa nitong huling bahagi ng Disyembre 2024.

Ayon kay Office of the Civil Defense (OCD) USec. Ariel Nepomuceno, apektado hindi lamang ang Davao kundi maging ang Region 2, Region 11 at 12 maging ang MIMAROPA sa sunud-sunod na epekto ng 2 weather system.

Iniulat din ng opisyal na mayroong 2 indibidwal ang napaulat na nawawala.

Nauna na ngang iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Miyerkules na nagresulta ng mga baha at pagguho ng lupa ang mga pag-ulang dala ng ITCZ sa parte ng Davao Occidental, Davao del Sur at Davao Oriental noong Disyembre 26.

Nakaapekto ito sa mahigit 16,000 pamilya at puminsala sa mahigit 1,000 kabahayan.

Samantala, tiniyak naman ng OCD official na patuloy na makikipag-uganayan ang mga awtoridad sa state weather bureau para palakasin pa ang kanilang paghahanda sa epekto ng shear line at ITCZ sa ilang parte ng bansa.