LAOAG CITY – Tatlong indibidwal ang nasawi dito sa lalawigan ng Ilocos Norte matapos ang pananalasa ng Bagyong Julian.
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, nakita ang isang indibidwal na si Wilfredo Calija, 62 anyos, residente ng Brgy. 2, Poblacion sa bayan ng Pasuquin na isa nang malamig na bangkay sa kasagsagan ng bagyo.
Nalunod din ang isang senior citizen sa lungsod ng Batac matapos makaranas ng matinding pagbaha dulot ng Bagyong Julian.
Maliban dito, isang evacuee ang namatay sa A.P. Santos Elementary School na si Jamal Mambuay, 35 anyos, residente ng Muslim Compound sa Brgy. 1, San Lorenzo sa lungsod ng Laoag.
Kaugnay nito, ayon kay Brgy. Chairman Manny Morales ng Brgy. 1, San Lorenzo, dito sa lungsod ng Laoag, namatay ang biktima matapos natakot sa pagtaas ng tubig na umabot sa dibdib dahilan upang inatake ito sa puso habang nasa evacuation center.
Naisugod pa sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival ng Attending Physician.
Samantala, may isang indibidwal na nawawala na si Bryan Carlo Bulong Judalena, 30 anyos, may live-in partner at residente ng Brgy. San Roque sa bayan ng Paoay matapos bumalik sa kanilang tahanan sa gitna ng malakas na ulan at mataas na lebel ng tubig dulot ng Bagyong Julian.
Sa ngayon, nasa ilalim na ng State of Calamity ang buong lalawigan ng Ilocos Norte dahil sa hagupit ng Bagyong Julian.