BAGUIO CITY – Patay ang dalawang katao matapos na maaksidente ang sinakyan nilang motorsiklo sa Brgy. Canan, La Paz, Abra.
Kinilala ang mga biktima na sila Myra Ogoc Balino, 33, isang guro; at ang backrider na si John Christian Ace Figares, 16, estudyante, pamangkin ng driver at kapwa taga-Barangay Bulbulala sa nasabing bayan.
Batay sa report ng La Paz Municipal Police Station, papunta sana ang motorsiklo sa Poblacion, La Paz nang biglang ma-flat ang harapang gulong nito.
Nagresulta ito sa pagdiretso ng motorsiklo sa gilid ng kalsada at dahil sa malakas na pagtama nito ay nahulog ang dalawang biktima sa palayan na may distansiyang dalawang metro mula sa kalsada.
Naitakbo naman sa Abra Provincial Hospital ang mga biktima pero pagkatapos nito ay naideklara na namatay ang mga ito dahil sa malalang sugat na natamo nila.
Samatala, namatay din ang isang lalaki pagkatapos na sumalpok ang minamaneho nitong tricycle sa isang multi-cab sa nabanggit pa ring lugar.
Nakilala ang biktima na si Leocadio Leonzon Sr., 38, tubong Barangay Poblacion.
Natukoy naman ang driver ng multi-cab na si Abraham Ocampo Batiles Jr., 45, magsasaka at residente ng Danglas, Abra.
Ayon sa Abra Police Provincial Office, papunta sana ang multi-cab sa kabisera ng lalawigan sa Bangued pero naibunggo ito sa tricycle na papunta sana sa Poblacion, La Paz.
Naisugod pa sa pagamutan ang dalawang driver pero naideklara na namatay si Leonzon habang nasa magandang kondisyon si Batiles.
Isasailalim si Batilez sa imbestigasyon ng La Paz Municipal Police Station.