-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Tatlong katao ang nasugatan matapos bumaliktad ang isang sasakyan habang binabaybay ang pambansang lansangan sa barangay Alibagu, Ilagan City.

Sangkot sa nasabing aksidente ang isang Fortuner na minamaneho ni Benjamin Olalia III, 26 anyos, residente ng Calamagui 2nd , Ilagan City.

Binabagtas ng sasakyan ni Olalia ang pambansang lansangan patungong timog na direksiyon nang bigla umanong sumulpot ang isang sasakyan sa kanyang linya sanhi para iwasan nito.

Sa kanyang pag-iwas ay nawalan ng kontrol sa manibela si Olalia at bumangga ang sasakyan sa konkretong poste ng street light.

Bumaliktad ang sasakyan na nagresulta para masugatan si Olalia at dalawang sakay nito na sina John Paul Pagulayan, 29 anyos, residente ng Calamgui First, Ilagan City at Cheska Gonzales, 25 anyos na residente ng Alibagu, Ilagan City.

Dinala sa pagamutan ang mga biktima para malapatan ng lunas.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na mabilis ang takbo ng sasakyan at nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin ang tsuper.