CAUAYAN CITY – Dinakip matapos silbihan ng warrant of arrest ang tatlong katao kabilang ang dalawang binatilyo matapos pangunahan ang umanoy Fraternity Hazing noong taong 2019.
Ang mga akusado ay itinago sa mga Pangalang Jay-ar , 16 anyos, John, 19 anyos, kapwa mag-aaral at si George Salamanca,28 anyos, may asawa at isang driver na pawang residente ng Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa pangunguna ni Police Major George Maribbay, Hepe ng Bayombong Police Station ay isinilbi ang tig-aanim na warrant of arrest sa tatlong akusado.
Ang warrant of arrest ay inilabas ni Judge Cicero Jandoc, ng RTC Branch 29 ng Bayombong, Nueva Vizcaya sa tig-aanim na kasong paglabag sa Republic Act 8049 (Anti Hazing Law) na may inirekomendang piyansang P/48,000.00 sa bawat kaso.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMajor Maribbay, sinabi niya na naganap ang nasabing fraternity hazing noong nakaraang taon kung saan nagtungo sa kanilang himpilan ang biktima upang magsumbong.
Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na pinahirapan ang biktimang isang menor de edad kung saan nakaranas ng physical abuse at bahagyang napuruhan o nagtamo ng malalang palo sa mga paa at kamay ang menor de edad.
Patuloy pa rin ang ginagawang paghahanap ng mga pulis sa iba pang kasamahan ng mga naarestong tatlong suspect.