TUGUEGARAO CITY – Posible umano na may tatlong na-trap sa gumuhong Chuzon Supermarket sa Pampanga dahil sa lindol, ang buhay pa.
Sinabi ni Major Ericson Bulusan ng Northern Luzon Command (NOLCOM) na ito ang na-detect ng equipment ng mga rescuer mula sa Metro Manila Development Authority sa gitna ng kanilang search, rescue and retrieval operations.
Ayon kay Bulusan, minamadali na ng iba’t ibang rescue team na mahanap ang location ng mga ito para sila ay mailigtas.
Kaugnay nito, sinabi ni Bulusan na umaabot na sa 10 ang namatay sa pagyanig sa Pampanga.
Kabilang dito ang anim mula sa gumuhong supermarket, habang ang apat ay mula sa iba pang lugar na naapektuhan ng lindol
Idinagdag pa ni Bulusan na siyam na lang ang pinaniniwalaang missing dahil sa pagyanig.
Sa katunayan, kagabi ay tumigil lamang ang kanilang tropa at iba pang rescuers sa paghahanap sa mga posibleng natabunan ng guho ng hanggang alas-11:00.