-- Advertisements --

Kinasuhan sa Court of Tax Appeals ang tatlong kumpanyang pang-industriya dahil sa umano’y pandaraya sa pananalapi upang makaiwas sa pagbabayad ng buwis, ayon sa Department of Justice (DOJ) nitong Lunes.

Ang kaso ay isinampa sa ilalim ng Bureau of Internal Revenue’s (BIR) Run After Fake Transactions (RAFT) program, na naglalayong labanan ang tax fraud at tiyakin ang pagsunod ng mga negosyo sa kanilang obligasyon sa buwis.

Kinasuhan ang Total Metal Corp., Equator Energy Corp., at Limhuaco Metal Industrial Inc., pati na rin ang kanilang mga opisyal, matapos matuklasan ng BIR na gumamit sila ng pekeng resibo mula sa hindi umiiral na kumpanya upang dayain ang kanilang financial records at makaiwas sa buwis.

Kabuuang 20 kaso ang isinampa—14 laban sa Total Metal Corp., apat sa Equator Energy Corp., at dalawa sa Limhuaco Metal Industrial Inc. Sila ay nilabag umano ang Sections 254 at 255 ng National Internal Revenue Code (NIRC) ng 1997, na may kaugnayan sa Sections 253(d) at 256, na nagpaparusa sa sinadyang pag-iwas sa buwis at maling pagbibigay ng impormasyon sa tax returns.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, ang tax evasion ay nakakasira sa kakayahan ng bansa na magbigay ng mahahalagang serbisyo.

Nagbabala ang DOJ at BIR na mas marami pang legal na aksyon ang isasagawa laban sa mga negosyong sangkot sa ganitong uri ng pandaraya, at inaasahan ang pagpapalabas ng warrants of arrest laban sa mga opisyal ng naturang kumpanya.