-- Advertisements --

Nasa dalawa katao na ang kumpirmadong patay nang dahil sa hagupit ng bagyong Florita ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRMC).

Sa ulat ng NDRRMC, isa sa mga ito ay 63 taong gulang na lalake mula sa Cagayan na sinasabing nabagsakan ng puno ang sanhi ng pagkamatay habang ang isa naman ay 56 anyos na lalake mula Kalinga na skull fracture naman matapos na tamaan din ng puno ang ikinasawi.

Sa ngayon ay mayroon pang bineberipika ang mga kinauukulan hinggil sa umano’y pagkamatay rin ng isang 32 taong gulang na lalake mula Camarines Sur matapos itong malunod nang dahil sa pananalasa ng nasabing bagyo.

Samantala, nakapagtala rin ang NDRRMC 3 ng apat na mga indibidwal na sugatan, tatlo dito ang mula sa Cagayan matapos namang mabagsakan ang mga ito ng puno habang ang isa naman ay mula sa Bicol region.

Magugunita na una rito ay iniulat na rin ng ahensya na pumalo na sa 11,953 pamilya o may katumbas na 47,169 na mga indibidwal mula Ilocos Region, Cagayan Valley, Calabarzon, Cordillera Administrative Region (CAR), at Metro Manila ang naapektuhan ng naging pananalasa ng bagyong Florita sa Pilipinas.

Nasa kabuuang 1,726 na mga pamilya rin ang kasalukuyang nasa mga evacuation centersm habang nasa 1,062 mga sambahayan naman ang pansamantalang nakikituloy ngayon sa kani-kanilang mga kamag-anak at kaibigan.

Nag-iwan din ng 30 napinsalang mga kabahayan sa Northern Luzon, 21 mga kalsada at 13 mga tulay sa mga apektadong lalawigan si bagyong Florita ayon sa datos ng NDDRMC.