Itinuturing na isang himala ang pagkakaligtas ng tatlong kalalakihan matapos bumagsak ang sinasakyan nilang helicopter sa sub-Antarctic waters mula sa kanilang swimming at night camping sa isang isla.
Kinilala ang mga biktima na sina Helicopter pilot Andrew Hefford, paramedic John Lambeth at winchman Lester Stevens na kasalukuyang nagpapagaling na sa ospital matapos silang matagpuan sa isang isla na 450 km o 270 miles ang layo mula Timog na bahagi ng New Zealand.
Nawala ang nasabing helicopter noong lunes malapit sa Auckland Islanda. Sinimulan ang paghahanap sa mga ito matapos makatanggap ang Coordination Centre ng report tungkol sa nawawalang aircraft.
Halos mawalan na raw ng pag-asa ang mga rescuers sa paghahanap dahil sa sobrang lamig ng tubig at pababago-bago ng panahon sa Southern Ocean.
Ayon kay Rescue Coordination Centre NZ Duty Manager Kevin Banaghan dumaan umano sa training ang mga helicopter crew kung kaya’t handa ang mga ito sa lahat ng emergency situations. Nakasuot din daw ang mga ito ng cold water immersion suits na kayang panatilihin ang kahit sinong nakasuot nito sa tubig na may temperaturang mas mababa pa sa -30 degrees Celcius o -22 degrees Fahrenheit.
Magsasagawa naman ng imbestigasyon ang Southern Lakes Helicopters upang malaman ang tunay na dahilan ng pagbagsak ng helicopter.