-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Dinakip ang tatlong lalaki matapos na mahuling gumagamit ng illegal na droga.

Ang mga pinaghihinalaan ay sina Ruel Pengco, 33 anyos, tricycle driver, residente ng Bantug, Roxas, Isabela; Artuto Buenaventura 20 anyos, may asawa, fruit vendor at Gil Macaraeg, 27 anyos, mekaniko at residente ng Nuesa, Roxas, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMajor Russel Tuliao, Officer-In-Charge ng Roxas Police Station na habang nag-iikot ang intelligence unit ng Roxas Police Station kagabi ay may natanggap silang impormasyon na may pot session sa Brgy. Bantug.

Pinuntahan nila ang lugar at nakita nila ang mga pinaghihinalaan na nag-iinuman subalit nakita rin ng isa nilang personnel na humihithit din sila ng marijuana.

Agad nilang dinakip ang mga ito at nakita sa mesa ang marijuana na nakabalot sa transparent plastic sachet at papel.

Ayon kay PMajor Tuliao, dati ng nahuli si Pengco sa barangay Nuesa at nakulong noong 2012 dahil din sa ipinagbabawal na gamot.

Noong 2016 ay nahuli rin sa buybust operation si Macaraeg.

Batay sa kanilang monitoring, galing sa labas ng Roxas, Isabela ang mga ginagamit na iligal na droga sa kanilang nasasakupan at wala naman silang namamataan na may mga nagbebenta ng iligal na droga.