-- Advertisements --

ROXAS CITY – Walang awang pinagtataga ang tatlong lalaki habang natutulog sa loob ng tinutuluyang bahay sa Sitio Agtutulang, Barangay Lapaz sa bayan ng Jamindan Capiz.

Kinilala ang mga namatay na sina Rodel Catalan 24-anyos, residente ng Masbate City at Dindo Georlin 31-anyos habang patuloy na ginagamot sa ospital si Archie Georlin 21-anyos pawang mga residente ng Himamaylan Negros Occidental ngunit pansamantalang nakatira sa nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay PLt. Jobert De Los Reyes Officer-in-Charge ng Jamindan Municipal Police Station, sinabi nito na batay sa imbestigasyon pinasok ng suspek na si John Villanueva alyas Tatang 22-anyos tubong Himamaylan Negros Occidental ang tinutuluyang bahay ng mga biktima dis-oras ng madaling araw at walang awang pinagtataga ang natutulog na mga biktima gamit ang itak.

Maswerte namang nakatakas ang sugatang si Archie Georlin at nakahingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay subalit wala ng buhay ng madatnan sina Dindo at Rodel na nagtamo ng malubhang sugat sa ibat-ibang bahagI ng katawan.

Naaresto naman sa hot pursuit operation ang suspek na ngayon ay nasa kustodiya na ng kapulisan.

Napag-alaman na pawang nagtatrabaho ang mga biktima at suspek sa isang farm sa nasabing lugar.
Samantala, matagal na hidwaan ang tinitingnan motibo ng mga pulis sa nangyaring krimen dahil ayon sa suspek nagalit ito matapos akusahan ng mga biktima na siya ang nagsusumbong ng kanilang ginagawa sa knilang employer.

Nakikipag-ugnayan na ang Jamindan Municipal Police Station sa mga kaa-nak ng mga biktima sa Negros at Masbate para sa pagsasampa ng kaso laban sa suspek.