Tanging nasa 3% pa lamang o katumbas ng 192 silid-aralan ang naipatayo ng Department of Education (DepEd) mula sa target na 6,379 noong 2023 base sa taunang audit report ng Commission on Audit (COA) noong nakalipas na taon.
Ang maliit na porsyento umano ng naipatayong silid-aralan ay bunsod ng realignments dahil sa mga pagbabago sa desinyo ng mga proyekto.
Ayon pa sa COA, kasalukuyang ipinapatayo pa ang kabuuang 4,391 silid-aralan habang 550 pa ang sumasailalim sa iba’t ibang yugto ng procurement.
Lumabas din sa parehong report na nakasaad sa Annual Procurement Plan ng DepEd na dapat maihatid ang nasa 580,394 na mga upuan mula Mayo hanggang Hunyo ng 2023 subalit nakumpleto lamang ang mga kontrata para dito noong Disyembre 2023 kayat hindi naabot ang target na madeliver ang naturang bilang ng mga upuan.
Bilang tugon sa COA report, ipinaliwanag ng DepEd na ang pagkaantala sa procurement process ng mga upuan ay dahil sa mga rebisyon at pag-apruba ng technical specifications.
Napuna din sa audit report ang hindi pa natatapos na repair at rehabilitation ng mga silid-aralan kung saan tanging 208 pa lamang mula sa target na 7,550 classrooms ang natapos.
Paliwanag naman dito ng DepEd na sa ilalim ng 2023 national budget law inilipat sa hurisdiksiyon ng DPWH ang trabaho para sa pagkumpuni at rehabilitasyon ng mga silid-aralan kayat kinailangan ng ahensiya na magsagawa ng sarili nilang revalidation at programming na nagresulta umano sa pagkaantala ng implementasyon ng naturang proyekto.
Samantala, una ng nangako si DepEd Sec. Sonny Angara na kaniyang tutugunan ang mga backlog sa COA report sa naging deliberasyon noong Lunes kaugnay sa panukalang pondo ng kanilang departamento para sa 2025.