-- Advertisements --

LA UNION – Humarap ngayon sa kasong frustrated murder ang mga suspek na umano’y nag-amok at nagpaputok pa ng baril sa isang tindahan sa Barangay Butubot West sa bayan ng Balaoan, La Union.

Nakilala ang mga suspek na sina Michael John Ancheta, 28; Jerome Valdez, 26; at ang isang hindi na pinangalanang menor de edad.

Nabatid ng Bombo Radyo mula sa Balaoan Police, nagtungo umano sa tindahan ng biktima na si Analyn Camat ang mga suspek at bumili ng inumin nilang alak.

Sinasabi na unang nag-amok ang lasing na si Ancheta at pinagbabasag nito ang bote sa harap ni Camat.

Nang sasawayin sana ng mga kaanak ng biktima si Ancheta ay bumunot umano ito ng baril kasunod ang pagpapaputok sa mga ito.

Mapalad naman ang mga magkakamag-anak dahil nakatago ang mga ito ng magpaputok si Ancheta.

Bago umano umalis ang mga suspek ay namato naman sila ng bote sa tindahan.

Nahuli naman ang tatlo nang magresponde ang mga pulis sa naturang barangay.

Narekobre sa may tindahan ang isang basyo ng bala ng cal .9mm, ngunit nabigo ang mga otoridad na makompiska ang baril na ginamit umano sa pagpapaputok ni Ancheta.

Samantala, nasa pangangala ngayon ng Department of Social Welfare and Development ang menor de edad na suspek.