“Three-layered security measures” ang ipinapatupad ngayon ng pamunuan ng PNP PRO-4A o Calabarzon kasunod ng pagsisimula ng SEA Games kahapon sa nasabing rehiyon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay PNP PRO-4A regional director Brig. Gen. Vicente Danao Jr. kaniyang sinabi na dadadaan sa three layer security ang lahat maging ang mga manonood ng mga laro bago nila marating ang mga sporting venues.
May mga choke points na inilatag ang PNP sa bawat probinsiya partikular sa mga entry at exit points nito.
November 20 pa ng isailalim sa red alert status ang rehiyon.
Ito ay dahil may mga maagang event lalo na ang isinagawang polo game sa Calatagan, Batangas.
Sinabi ni Danao, na maayos namang naisagawa ang polo event kahapon.
Samantala, naka-complete uniform naman ang mga pulis na magbibigay seguridad sa SEA Games.
Kabilang pa sa mga laro na idaraos sa Calabarzon region ay hockey, football, motocross at iba pa.
Bagamat walang namo-monitor na presensiya ng mga terorista sa rehiyon o anumang banta para sa SEA Games, binigyang-diin ni Danao na ayaw nilang maging complacent sa seguridad.
Umapela naman si Danao sa publiko lalo na sa mga manonood na makipagtulungan at mag-cooperate sa mga otoridad sa kanilang ipinapatupad na seguridad.
Mahigpit din ipinagbabawal ng PNP ang pagsuot ng jacket at bullcap ng mga manonood, dapat transparent ang bag na bibitbitin.
Bawal din ang bottled water sa loob ng gaming venue.
Paalala rin ng heneral na suspendido na ngayon ang PTCFOR o permit to carry firearms outside residence sa rehiyon.
Aniya, kahit may kaukulang permit na bitbit ang isang gun holder maaari pa rin ito mahuli dahil suspended ang PTCFOR hanggang sa December 14.