GENERAL SANTOS CITY – Nagulat ang maraming tao sa pagkaaresto ng tatlong lider ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) dito sa lungsod ng Heneral Santos.
Ang mga naaresto ay sina Ruben Saluta, Secretary ng National Propaganda Commission of the CPP Central Committee at dating Secretary ng Panay Regional Party Committee (PRPC); Presentacion Cordon Saluta, lider ng Komiteng Rehiyonal Panay (KR- Panay) at si Yvonne Losaria leader ng Sentro-De-Gravidad, Guerrilla Front 35, Southern Mindanao Regional Committee (SMRC).
Ayon kay Kapitan Reynaldo Clapis ng Barangay Labangal nitong lungsod na nakipag-ugnayan sa kanila ang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isasagawang search warrant operation at nabigla nang malaman na mga malalaking personalidad ng komunistang grupo ay nasa kanilang lugar.
Ang mga ito ay naaresto sa Phase 5, Doña Soledad, Barangay Labangal matapos makatanggap ng impormasyon ang mga otoridad kaugnay sa presensya ng mga ito.
Nakuha sa kanila ang maraming mga armas kagaya ng tatlong M16 rifles, isang M14 rifle, carbine at ibat-ibang uri ng mga bala, hand grenade, mobile phones, laptop, flag ng komunistang grupo at mga dokumento.
Si Ruben ang may standing arrest warrant sa maraming kasong murder at ang asawa nito na si Presentacion ay wanted sa kasong rebellion sa Antique.
Habang si Losaria naman ay may arrest warrant dahil sa rebellion charges.