CEBU – Timbog ang tatlong mga kalalakihan matapos na nahuling humihingi ng pera kapalit ng pagbalik ng kuryente sa iilang mga kunsomidor ng Visayan Electric Company (VECO) dito sa Cebu.
Kinilala ang mga suspek na sina Bryan Sacmar, Maximo Mariot Jr., at Doroteo Auxtero, Jr., pawang nahuli sa entrapment operation ng NBI- 7 sa lungsod ng Talisay, Cebu.
Sa isang press conference, sinabi ni NBI 7 Regional Director Atty. Renan Oliva, na ang tatlo ay mga subcontractor ng VECO.
Aniya, humihingi ang tatlo ng P5,000 hanggang P15,000 mula sa mga kunsomidor na gustong kaagad maibalik ang kanilang kuryente.
Si Mariot at Austero ay pawang mga active linemen na accredited ng Visayan Electric, habang si Sacmar naman ay dating electrician sa nasabing power distributor.
Nahaharap ang tatlo sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7832 o Anti-Pilferage of Electricity and Theft of Electric Transmission Lines/Materials.
Kung maalala, apektado ang linya ng kuryente sa buong probinsiya at lungsod ng Cebu matapos na humagupit ang bagyong Odette at maraming mga kunsomidor ang nagmamadali na maibalik ang kanilang linya ng kuryente.