Umaasa si Vice President at outgoing Education Secretary Sara Duterte na makakatulong ang 3 linggong National Learning Camp (NLC) sa 2,183,327 na mag-aaral mula sa Grade 1 hanggang Grade 3 at Grade 7 hanggang Grade 10.
Ang learning camp ay bahagi ng ng istratehiya ng DepEd upang matugunan ang learning crisis sa Pilipinas, kasama na ang ‘learning loss’ noong panahon ng pandemiya.
Ayon kay VP Sara, tugon din ito ng ahensiya sa napakababang performance ng mga estudyante sa National Achievement Test (NAT) at iba pang International Large-Scale Assessments (ILSAs), katulad ng Programme for International Student Assessments (PISA), at ang Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM).
Partikular naman na tututukan dito ang performance ng mga mag-aaral sa Reading, English, Mathematics, at Science.
Ang National Learning Camp ngayong taon na unang nagsimula noong July-1 ay magtutuloy hanggang July 19 kung saan kabahagi rito ang 185,759 learning camp teacher-volunteers.
Noong nakalipas na taon ay umabot sa limang linggo ang learning camp ngunit ibinaba ito sa tatlong linggo ngayong taon dahil sa adjustment ng school calendar kung saan mas maagang magsisimula ang klase na nakatakda na sa July 29.