-- Advertisements --

Target ng Department of Education na magsagawa ng 3 linggong national learning camp sa Hulyo sakaling manatiling suspendido ang face to face classes dulot ng matinding init na panahon dahil sa dry seasons at El Nino phenomenon.

Ayon kay DepEd Deputy Spokesperson ASec. Francis Bringas, ikakasa ito para sa academically challenged learners sakaling manatiling suspendido ang face to face classes hanggang sa Mayo para maremedyuhan ang learning gap.

Mananatili din aniyang boluntaryo ang naturang camp subalit hinihimok ang mga mag-aaral na academically challenged na lumahok.

Mayroon din aniyang mga direktiba sa DepEd kung saan ang mga may bagsak na grado sa regular school year ay dapat na magkaroon ng interventions para matulungan silang maging handa sa susunod na taon.

Samantala, base sa pag-aaral ng Philippine Assessment for Learning Loss Solutions, ang mga estudyante sa elementarya at sekondarya sa pribadong paaralan sa bansa ay nakarnas ng learning loss matapos na ipatupad ang distance learning o asynchronous classes noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Subalit ayon naman kay Asec. Bringas, base sa karanasan noong pandemiya kung saan nag-shift sa online classes ang mga estudyante, mayroon aniyang natutunan ang mga ito subalit hindi sapat at hindi gaya ng kanilang natutunan sa face to face o synchronous classes.

Ipinaliwanag din ni ASec. Bringas na walang choice ang pamahalaan kundi suspendihin ang in-person classes sa ilang lugar sa bansa matapos umabot sa danger levels ang heat index.