-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Kulungan ang bagsak ng tatlong magbarkada na nagtulungang patayin ang isang asong-kalye dahil nangangagat umano ng ilang mga residente na kasalubong nito sa syudad ng Iligan,Lanao del Norte.

Napabilis ang pag-aksyon ng pulisya at natunton agad ang tatlong kalalakihan dahil kitang-kita sila sa kuha na video ng isang netizen na awang-awa ng husto sa aso na pinatay na at itinali pa sa likuran ng motorsiklo para mahila habang paalis sa pinangyarihan ng kremin.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Police Regional Office 10 spokesperson Maj Joann Navarro na hayagang ‘dog cruelty’ ang ginawa ng hindi pinangalanan na mga salarin kaya kinaharap ng mga ito ang kasong paglabag ng Animal Welfare Act of 1998 sa piksalya ng Iligan City.

Sinabi ni Navarro na hindi tama ang ginawa ng tatlo dahil maaari naman nila inilapit sa kinauukulang ahensiya para maayos ang pagkahuli ng aso.

Paalala rin ng mga otoridad sa lahat ng dog owners na hindi magpabaya sa kanilang mga alaga dahil sa ilalim ng katulad na batas ay mananagot rin sila at makukulong ng ilang taon.