LAOAG CITY – Nasagip ang tatlong magkakamag anak na mangingisda matapos silang matagpuang palutang-lutang sa loob ng tatlong araw sa karagatang sakop ng Ilocos Norte.
Kinilala ang mga ito na sina Corajel Carolino, 58 anyos, Ace Carolino 36 anyos at Ramon Fernandez, 58 anyos na pawang mga residente sa bayan ng Bolinao, Pangasinan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Lt. Joseph Christian M. Sagun – Provincial Commander Coast Guard ng Ilocos Norte, agad nilang tinungo ang kinaroroonan ng tatlong mangingisda matapos ipagbigay alam sa kanila ng Phil. Navy ang sitwasyon ng mga ito sa 30 nautical miles mula sa baybayin ng bayan ng Currimao.
Sa tulong ng tug boat na mula sa Omnico port ay narespondehan ng Phil. Coast Guard ang tatlong mangingisda na nasa 4 na kilometro ang layo mula sa baybayin ng Badoc, Ilocos Norte.
Batay sa salaysay ng mga ito, hindi nila natansiya ang pagdating ng Bagyong Enteng noong sila ay pumalaot noong Agosto 29 mula sa Pangasinan kung kayat nang pabalik na sana sila matapos makarating sa karagatang sakop ng Magsingal, Ilocos Sur noong Setyembre 2 ay dito na sila inabutan ng malakas na alon na dahilan ng pagtaob ng kanilang bangka.
Kumapit naman ang mga mangingisda sa kanilang bangka hanggang sa mapadpad dito sa Ilocos Norte at tanging ulan lang ang ininom nila sa loob ng tatlong araw na palutang-lutang sa dagat.
Ipinaalam nila na nakita at tinulungan sila ng dumaang transiting vessel na MV Zarita na papunta sana ng Indonesia na siya na ring nag ulat sa Phil Navy.
Agad na dinala ang tatlo sa Rural Health Unit Currimao at nasa maayos nang kalagayan ngunit kinakailangan muna nilang magpahinga upang manumbalik ang kanilang lakas.
Nakipag ugnayan na rin ang Coast Guard Station Ilocos Norte sa Coast Guard Station Pangasinan para sa gagawing pagsundo sa kanila at maiyuwi na sa kanilang mga pamilya.