(Update) CENTRAL MINDANAO – Alitan umano sa pamilya ang natatanaw ng mga otoridad sa pamamaril-patay sa tatlong magkakamag-anak sa lalawigan ng Sultan Kudarat.
Nakilala ang mga nasawi na sina Tonton Ibad, anak nya na si Mike Ibad ang driver ng tricycle na si Baby Nor Sulay Talib, pawang mga residente ng Brgy Poblacion, sa Lambayong, Sultan Kudarat.
Ayon sa ulat ng Sultan Kudarat police provincial office na sakay ang mga biktima sa isang tricycle mula sa Tacurong City na dumalo sa paglilitis ng kaso sa korte pauwi na ng kanilang tahanan ngunit pagsapit nila sa kahabaan ng national highway sa Purok Maligaya, Lambayong ay doon na sila hinarang ng mga armadong kalalakihan at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek lulan sa dalawang motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Lambayong.
Patay on the spot ang mga biktima nang magtamo ito ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Lambayong PNP sa kaso sa pagpaslang sa mga biktima.