CAUAYAN CITY – Inaresto ang tatlong magkakapatid sa bayan ng Aglipay, Quirino dahil umano sa panggagahasa sa kanilang kapatid na babae at anak nitong may diperensiya umano sa pag-iisip.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCpt. William Agpalza, hepe ng Aglipay Police Station na alas-4:00 ng hapon noong Oktubre 1 ay dumulog sa kanilang himpilan ang mga opisyal ng Barangay Dumabel kasama ang mag-inang biktima.
Aniya, ang dalagita ay 17-anyos, may problema sa pag-iisip at walong buwan nang buntis.
Sinabi ni Agpalza na sa gitna ng bundok nakatira ang mga sangkot at mahirap puntahan kaya tumagal ng ilang buwan bago nila nalaman ang pangyayari.
Bukod dito ay tinatakot din ng tatlong suspek ang pamilya ng biktima na kung pupunta sila sa sentro ng naturang barangay ay papatayin sila.
Nang makakuha ng pagkakataon ang mag-ina ay bumaba sila at humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay na agad ding idinulog sa kanilang himpilan.
Pinuntahan nila ang lugar at nadakip ang mga pinaghihinalaan maging ang itak na ginagamit nila sa pananakot.
Sa isinagawang pagsisiyasat ay napag-alaman na dalawa sa mga suspek ang gumahasa sa dalagita noong Pebrero habang ang ina ay ginahasa rin ng isa niyang kapatid.
Inamin ng isa sa mga suspek ang panggagahasa sa kanilang pamangkin subalit lasing umano siya nang gawin niya ito.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Aglipay Police Station ang tatlo at nasampahan na ng grave threat at incestous rape.
Sinabi ni Agpalza na nalulungkot sila dahil sa kabila ng kanilang mga ginagawang hakbang para hindi na madagdagan ang kaso ng panggagahasa sa kanilang bayan ay mayroon pa rin.
Sa ngayon ay idinulog na nila ito sa kanilang mayor at plano nilang magpatayo ng bahay ng mga biktima sa barangay proper lalo na at may dalawang bata na kanilang kasama.
Inilapit na rin nila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tungkol sa panganganak ng dalagita para sa kustodiya ng kanyang isisilang.
Napag-alaman na nanganak na rin noon ang dalagita matapos gahasain ng kanyang tatay sa bayan ng Maddela noong 2018 dahilan kaya lumipat sila sa Aglipay.
Ang mga biktima ay nasa pag-iingat na ng barangay at bumuhos na rin ang tulong sa kanila ng mga residente.