-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Narekober na ng mga divers at mga rescuers ng lungsod ng Cabadbaran, Agusan del Norte ang tatlo sa apat na mga batang nalunod sa Cabadbaran River kahapon ng hapon sa may Sitio Dal-as, Purok 8, Brgy. Mabini kung saan ang mga narekober ay parehong magkakapatid.

Ayon kay Riza Jamboy, kagawad ng Barangay Mabini, unang natagpuan kahapon si Realyn Emberda, 9; kaninang umaga naman ang mga kapatid nitong sina Erlyn Emberda, 11; at Reynald Emberda, 14; habang patuloy pang pinaghahahanap ang kanilang pinsan na si Aron James Suhaya, 11.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Kagawad Jamboy na handa silang magbigay ng ayuda sa pamilya ng mga biktima lalo na’t indigent ang mga ito.

Una nang sinabi ni PMaj. Renel Serrano, hepe ng Cabadbaran City Police Station, namimingwit umano ang mga biktima nang magdesisyong tumawid sa akala nila’y taga-tuhod lamang na tubig sa ilog.

Aniya, nang nasa kalagitnaan na sila ay natangay na sila ng malakas na agos ng tubig-baha sanhi ng tuluyan nilang pagkaanod.