ROXAS CITY – Patay ang isa sa tatlong magpipinsan habang sugatan ang dalawa matapos sa rambulan sa labas ng sayawan sa Sitio Camerin, Barangay Malocloc Norte, Ivisan, Capiz.
Kinilala ang napatay na si Ryan Ureta, 20-anyos na nagtamo ng sugat sa tiyan matapos saksakin ng suspek na si Ariel Unarce.
Patuloy naman na ginagamot sa ospital ang dalawang pinsan ni Ryan na sina Cyril Ureta at Jecris Bacarro.
Sa interview ng Bombo Radyo Roxas kay Police Staff Sgt. Emilo Ubalubao, imbestigador ng Ivisan-Philippine National Police, sinabi nito nasa loob pa lamang ng sayawan ay tila may tensyon na sa dalawang grupo hanggang sa paglabas nila ay doon na sila nagrambulan.
Hindi lamang inaasahan ng mga biktima na may kutsilyo ang suspek na ginamit niya sa pananaksak.
Naaresto naman ng mga pulis si Ariel Unarce, isa sa tatlong suspek, matapos itinuro ng biktimang si Cyril na siyang sumaksak sa kanya.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy kung sino ang sumaksak sa napatay na si Ryan.