-- Advertisements --

Hinarang ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang tatlong Malaysian nationals na umano’y miyembro ng Kingdom of Jesus Christ na papasok sana sa Pilipinas. 

Ang tatlo ay dumating sa bansa kasama ang grupo ng mga pinoy noong Agosto 27, mula Kuala Lumpur pero iniwan nalang ng mga kasamahan nang i-refer ito para sa immigration inspection. 

Kinilala ang mga ito bilang sina Jessica Lynn Henry, Mimielianna Annie Anak Leesoi at Andrijosebaul Anak Garra. 

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, nadiskubre ng Immigration officers na planong magsagawa ng mga ito ng anti-government demonstration kasama ang iba pang taga sunod ng puganteng pastor na si Apollo Quiboloy at sa kabila ng patuloy na manhunt operations ng awtoridad kay Quiboloy at sa apat pang kapwa nito akusado. 

Pagpapaliwanag ng Malaysian nationals, inimbitahan daw sila sa Davao City ng KOJC pero wala itong maipakitang patunay ng kanilang financial capacity para suportahan ang kanilang pananatili sa bansa at kalaunan ay inamin din na sila ay mga walang trabaho.

Isa naman sa mga pasahero ang nakitaan ng screenshot na naglalaman ng iba’t ibang anti-government slogan, tulad ng “BBM Resign,” “Stop KOJC Injustices,” at “AFP/PNP Protect the People.”

Nang tanungin tungkol sa screenshot, sinabi ng pasahero na aksidente niyang na-download ang mga slogan mula sa kanyang mga social media account.

Kasalukuyan na ngayong naka-immigration blacklist ang tatlong Malaysian at pinagbawalan na na makapasok muli sa Pilipinas ng Bureau of Immigration.