-- Advertisements --

LAOAG CITY – Hanggang ngayon ay hindi pa nahahanap ang mga tatlong mangingisda na unang nakitang nagpapatulong habang nasa gitna ng dagat sa Brgy. Caaoacan, lungsod ng Laoag, Ilocos Norte.

Una rito, alas-5:00 ng hapon kahapon ng makita ng mga residente sa barangay ang mga nagpapasaklolo na mangingisda dahilan para ireport nila ito sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa pamumuno ni Dr. Melvin Manuel.

Agad namang rumesponde ang mga ito ngunit hindi kinaya ng mga bangka ang mga malalaking alon kung kaya’t nagpatulong sila sa Philippine Coast Guard (PCG) at gumamit sila ng jet ski.

Gayunman, hindi pa rin kinaya ng jetski ang lakas ng alon kayat lumipat sila sa Barangay Lapaz ngunit ganun pa rin ang sitwasyon hanggang nakarating sila sa Barangay Gabu Sur.

Sinabi ni Manuel na malayo sa pampang ang mga mangingisda at ang nakikita lamang nila ay ang ilaw ng mga ito na nagsilbing senyales kung nasaan ang mga mangingisda.

Kagabi ay nagdesisyon ang buong rescue team na ipagpapatuloy nila ngayong araw ang maghahanap sa mga mangingisda ngunit ng pumalaot ulit ang mga rescuers ay hindi na nila mahanap ang mga ito at dahil delikado ang sitwasyon ay bumalik ang mga ito.

Ayon naman kay Petty Officer 1 Roberto Verdadero, substation commander ng PCG sa bayan ng Bacarra, banta sa buhay ng mga mangingisda ang malalaking alon ngunit siniguro nila ni Manuel na hindi sila titigil hanggang makita at marescue ang mga nasabing indibidwal.

Samantala, ang teorya ni Manuel ay nasiraan ang mga mangingisda at dahil pula ang kulay ng bangka nila ay mula sila sa bayan ng Curimao ngunit nabatid na wala umanong nawawala sa naturang lugar.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang rescue operation ng CDRRMO at PCG para mailigtas ang mga mangingisda.