-- Advertisements --

LA UNION – Nakauwi na sa mga sarili nilang tahanan ang tatlong mangingisda na halos dalawang araw na na-stranded sa bahagi ng Ligayen Gulf matapos pumalya ang makina ng kanilang bangka.

Nakilala ang mga naturang mangingisda na sina Yolanda Camba, Federico Rosal, at Reynante Dedios, pawang mga naninirahan sa bayan ng Bolinao, Pangasinan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Yolanda, sinabi nito na hindi pa sila nakakalayo mula sa dalampasigan ng Bolinao ay biglang tumigil sa pag-andar ang makina ng kanilang sasakyan.

Hinayaan na lamang nila na tangayin ng mga naglalakihang alon ang kanilang bangka hanggang sa mapadpad ang mga ito sa karagatang bahagi ng lungsod ng San Fernando, La Union kasunod ang pagsaklolo ng mga kapwa mangingisda.

Naikwento pa ni Yolanda na tiniis nilang kainin ang baon na napanis na kanin at ilang pirasong tinapay upang hindi magutom habang nag-aabang ng sasaklolo sa kanila.

Nagpapasalamat naman ang tatlo sa mga kapwa nila mangingisda na hindi nagdalawang isip na sumagip at kumupkop sa kanila hanggang sa makauwi ang mga ito.

Inihatid naman ng mga kawani ng Philippine Coast Guard patungong Bolinao ang mga naturang nasagip na mangingisda.