LEGAZPI CITY – Patay ang tatlong katao matapos na hagisan ng pinaniniwalaang dinamita sa karagatang sakop ng Brgy. Danao, Balud, Masbate.
Nangyari ang insidente dakong alas-9:00 kagabi subalit dakong ala-1:00 kaninang madaling araw lamang naiulat sa pulisya.
Kinilala ang mga nasawi na sina Arthur Villaruel, Lito Salvana, at Rosel Reyes na pawang mangingisda habang ligtas naman sina Jomar Dela Cruz, 32, at Noli Almoguera, 35, mga residente ng Brgy. Panubigan sa naturang bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi mula sa Police Regional Office-5, nangingisda umano ang lima sa naturang bahagi ng karagatan nang isang motorized boat ang dumating.
Lulan nito ang hindi pa nakilalang mga suspek na naghagis ng dinamita na sumabog sa nasa 15 metro ang layo sa bangka na sinasakyan ng mga biktima.
Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tatlo na dahilan ng agarang kamatayan.
Nag-request na rin ng post-blast investigation kaugnay ng insidente habang hindi pa mabatid ang motibo sa pagpapasabog.
Patuloy naman ang pursuit operation ng Balud PNP para sa pagtukoy at pag-aresto sa mga salarin.