-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Labis ang pasasalamat ngayon ng pamilya ng mga nawawalang mangingisda sa bayan ng Bagamanoc, Catanduanes matapos na mahanap ang mga ito sa gitna ng karagatan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bagamanoc Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) head David Villacorta, sinasabing alas-8:00 ng umaga ng Lunes, Hulyo 15 nang maglayag ang mag-asawang sina Tito, 78, at Ester Trinidad, 76, kasama ang kapitbahay na si Gregorio Vargas, 80, upang mamingwit sa karagatang sakop ng Barangay Bugao.

Hindi na nakabalik ang tatlo kaya’t nangamba ang pamilya at humingi na ng tulong sa barangay officials na siya namang nagpa-abot sa Philippine Coast Guard at MDRRMO.

Nabatid na naka-angkla naman ang bangkang sinasakyan ng mga ito subalit dahil sa lakas ng alon ay inanod malapit na sa Karagatang Pasipiko.

Agad nagsagawa ng search and rescue operations upang mahanap ang tatlo kaya’t pahirapan ang pag-usad ng mga rescue boats dahil sa malalaking alon ng karagatan bunsod ng gale warning.

Nitong Martes ng tanghali nang makabalik ang tatlo sa kanilang tahanan matapos umanong ma-rescue ng tatlo ring mangingisda mula sa bayan ng Baras.